Dangag

Mula sa tuktok-ugpaan (tirahan) ng bundok-Bagang, papasilip pa lamang ang araw sa guhit-tagpuan/abot-tanaw. (Ang dalawang likhang-kataga ang saling-Tagalog sa salitang horizon na makikita sa diksyunaryong-1977 ng Australyanong paring si Leo J. English.)
Sa kwento ni Datu Barit ng Barobo, isa sa mga pamayanang Manobo sa tabi ng Ilog Talomo (kaya’t tatawagin silang Matig-Talomo—sa literal, ‘mga taga-Talomo’—halimbawa, ng mga Matigsalug/’mga-taga-Salug’, isang mahalagang ilog sa ibayong bahagi ng Pantaron), nasa edad pa siya ‘na pwede pang kargahin sa balikat ng kanyang amoy/ama’ noong huli siyang makadalo ng isang dangag na ginawa sa Bagang. ‘Mahalaga ang papel ng Bagang sa ganyang mga pagtitipon,’ ani Datu Barit.
Ilang araw, minsan aabot ng ilang linggo, na mananatili sa Bagang ang maraming kamag-anakan, mag-iipon araw-araw sa malawak na panubaran (bahay-sambahan), na kahit papandayin ito upang maikasya ang napakaraming mga dadalo, bata’t matanda, ay aapaw pa rin sa laki nito ang mga naririyang tao, at kakanta sila buong araw ng mga epiko at papuri sa Manama (‘Diyos’), mula pagsilang hanggang paglubog ng araw. ‘Maalala ko noon, kailangang madilim pa ay tatae na kami dahil pagagalitan kami ng mga igbujag/matatanda kung kami’y lalabas upang magbawas kung nakalabas na ang araw,’ patuloy na kwento ni Datu Barit.
Isang mahalagang institusyon sa katutubong daigdig/buhay itong dangag: ang malakihang pagtitipon, pana-panahon, ng mga baylan (katutubong ‘pari’, kung bibigyang-diin ang ispiritwal nilang papel) na nagmumula pa sa magkakaibang mga pamayanan. Ang pagtitipong ito ng mga kalat-kalat na mga pamayanan, sa pamumuno ng mga baylan, ay isang mahalagang sentripetal na pwersa-ng-paghuhugpong sa ritmo ng buhay-katutubo. Napakamahalaga ang papel nito—punto na madalas makalimutang salungguhitan sa maraming pag-aaral sa katutubong ‘kaayusang panlipunan’—sa paglilikha ng kamalayang-bayan at, kung gayon, sa supra-village na istrukturang-pulitikal: ang domeyn ng malawak na ingod-bayan ay lampas sa ideya ng iisang pamayanan-kabahayan (na tatawaging village sa Ingles). Bayan ≠ village.


















