Tanda/Bakas
Titingnan natin kung kayang pagtagpuin, sa mga una, nanginginig na hakbang man lamang, ang semyotiks (agham-tanda: pag-aaral sa kilos/sayaw ng mga tanda at ang mga batayang prinsipyo nito) at ang bayolohiya (agham-buhay: na sentral na umaalam sa mekanismo ng pag-uulit/replikasyon ng mga katangiang pang-organismo; sayaw-tinikling ng reproduction-variation [pag-uulit at paglitaw ng iba/bago sa bawat pag-uulit] ng buhay). Gagamitin natin bilang luksuhang-bagay ang sayaw ng katagang tanda = pag-tanda = tandaan.
Tanda: marka, lamat, alum, titik-sa-balat, indeks, bahid, bakas/tracks.
Tandaan: ibalik-sa-alaala, balik-tingnan, balikan, itatak-sa-isip/kilos, ulitin.
Pagtanda: paglagay-ng-tanda upang mabalikang-muli ang isang lugar, o ang pagbalik-muli sa isang napuntahan.
Bakit may penomenon ng pag-uulit?
Pansinin ang ideya ng pag-uulit [ng ilang bagay] sa mga kataga/konseptong makikita sa ibaba:
(1) ugali, batasan, kinaiya, kostumbre, habit, gawi, culture: pag-uulit ng mga kilos/pag-iisip, sa daloy ng panahon o sa ibang mga katawan (hindi lang saglitang nangyari); kaya tinawag na habitus ni Bourdieu (system of durable dispositions = kalipunan ng mga matibay/pinatibay/tumibay, matatag/pinatatag/tumatag, nagpapatuloy/pinagpapatuloy na mga hilig/kiling/kalooban o kaayusan nito, kasama ang nasanayang pagdadala ng katawan); pagpapasa mula A tungong B ng mga bagay/mala-bagay (halimbawa, kris o ang paraan ng paglikha nito, upang makalikhang-muli ng kris), pagtuturo (halim., ng ama sa anak ng “tamang-asal”);
(2) praktis (sa ideyang gawain = nauulit na serye/kalipunan ng mga gawa, at sa ideyang pag-uulit ng isang kilos upang mas maging sanay); pagkakasanay sa isang istilo ng paglikha: pag-uulit-ulit ng sekwens ng mga hakbang;
(3) ala-ala, re-presentasyon (paglalarawang-muli o pagtindig kapalit ng isa/iba), tanda/sign (bagay na tumatayo kapalit ng isa/iba), salamin (paglitaw-muli ng hugis sa ibang midyum [halim., makinis na metal), pag-uusap (pagpapasa-pasa ng limitadong bilang ng mga kataga sa iba-ibang kombinasyon), pag-iisip.
Nag-aalingawngawang tanda ang bawat kataga sa itaas [set (1), (2), at (3)].
Rekursiyon [Latin, recursus, pagbalik-takbo]: medyo ulit-na-ideya ng pag-uulit, self-repetition, self-replication. Kinuha mula kay M.C. Escher (1898-1972) ang larawan sa itaas, na mababasang nasa tema ng rekursyon.
Bakit may rekursibong-galaw?
Binalikang-bakas = pinagdaanang-bakas = bakas na lumalalim sa bawat pagdaang-muli, kaya nadudulas ang humahakbang-na-paa sa parehong bakas kahapon, at lalaki ang tsansa na babaung-muli, dito rin, ang mga hakbang bukas. Bakit may pag-uulit? Para masagot, sa gitna tayo mag-uumpisa: sa punto ng proseso kung saan gumugulong na ang pag-uulit. Sa kalagitnaan ng proseso ng pag-uulit, pwudeng sabihing ganito: lumilikha ang proseso ng kondisyon upang mas madali pang maulit ito, kaya nauulit.
Nasa loob ng proseso mismo ang explanasyon. Kuha tayo ng konkretong larawan. Mas madaling dumaan sa damuhang dinaanan mo na ilang beses. Bakit dito ka uli dumaan ngayon? Dahil mas madali nang dumaan: sa kadadaan, mas pumapatag at lumilinis ito, mas naaakit kang dito uli dumaan. Parang sirkular lang sa unang-tingin ang explanasyon, pero hindi.
Saan nanggagaling ang iba/bago sa bawat pag-uulit? Kombinasyon ng dating ‘elemento’ [sa set ng time-1 na mga elemento] na lumilikha ng bagong ‘elemento’ [time-2 na mga elemento]. Kumplikadong rekursiyon lang.
Kung sa metapora pa ng pagdaan-sa-damuhan, bakit may lumiliko at tumatahak ng iba/bagong daan? Bakit may penomenon ng paglihis at pagbubukas ng bago? Bilang pambungad, metapora parin ang sagot. Ang laging dinadaanang lupa ay lumalalim, unti-unting nababawas ang paibabaw na lupa at lumilitaw ang mga bato. Masakit na sa paang daanan. Minsan, kung may ulan pa, nagkakaroon ng ilang lusak. Kaya may paglihis upang gumawa ng bago, gamit ang dating istilo ng simpleng pag-uulit ng mga hakbang, ngunit sa ibang direksiyon.
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can leave a response, or trackback from your own site.


