Paano isakasaysayan ang disiplina?

Approaches in the History of Anthropology

Paano balangkasin (bibigyang-hugis, isa-iskima) ang kasaysayan ng isang ‘disiplina’, tulad ng ‘antropolohiya’? Usapin kasi ito ng matandang pilosopikal na tema tungkol sa ‘ang iisa o ang marami’ (the one and the many): maitatanong kaagad dito kung meron nga bang isang ‘antropolohiya’ o meron lamang napakaraming kalipunan ng mga pananaliksik at gawaing lalapatan ng label na ‘antropolohiya’.

Isa pang magagamit na pormulasyon mula sa akda ni Alan Barnard (History and Theory) ay ang makikita sa itaas: limang paradigmatikong paraan ng pagbibigay-hugis sa kasaysayan ng antropolohiya (na maaaring ilapat sa iba pang disiplina). Hihiramin natin dito, na may kaunting pagbabago at pagpapalawig, ang nabanggit na limang kaparaanan ni Barnard.

Kung nais mong ikwento ang prosesong pinagdaanan ng isang disiplina, mukhang meron lamang limang paraan upang gawin ito:

(1) Paglilista ng mga sunod-sunod na pangyayari (o mga tauhan): halimbawa (sa antropolohiya), ikukwento mo kung paano mula kay Boas, lumitaw paglaon sina Mead, pagkatapos si Geertz, at hanggang lumabas sa eksena sina Rabinow at iba pa. Pagpapasunod ng panahon-at-tauhan/pangyayari ang controlling factor ng istilong ito, kadalasang nasa global na freym (kung sino ang dominanteng mga personahe; kaya mangyari pa, sa namamayaning Euro-Amerikanong eksena, at kasulatang nasa wikang Ingles o mga naisalin-sa-Ingles).

(2) Pagpapanahon ng mga namamayaning paradigma: pagpapasunod ng mga “panahon” ng mga namamayaning ‘paradigma’: halimbawa, paano mula sa panahon ng ‘istrukturalismo’ lumitaw ang ‘post-istrukturalismo’. Imbes na mga simpleng tauhan, may assumption ang istilong ito na may suksesyon ng mga dominanteng paradigms sa daloy ng isang disiplina, at bawat paradigma ay may sariling panloob na dinamiks na hiwalay sa ibang paradigma.

(3) Pagbubukadkad ng mga sistema ng kaisipan: sa istilong ito, ikukwento mo kung paano may isang ‘sistema ng kaisipan’ na, sa pagdaloy ng panahon, ay ‘bubukadkad’, ibig sabihin, dinamikong magbabago at lilitawan o mapapalitan mula sa loob nito ng iba pang mga sistema ng kaisipan na siyang magpapasulong sa disiplina. Tila nais ipakita ng lapit na ito ang organikong ugnayan ng mga sistema ng ideya na makikita sa isang disiplina at kung paano nagkakaugnay-ugnay at nagsasanga-sanga ang mga ito.

(4) Pagsasabay ng mga tradisyong pampook: ipapakita dito ang paralel (sabay-sa-panahon ngunit magkahiwalay na mga tradisyon) na mga pagbabago ng disiplina sa pagsasapraktika nito sa iba’t ibang kapookan (bayan, bansa, o rehiyon). Halimbawa, may mga pag-aaral na ngayon tungkol sa pagsasagawa ng ‘antropolohiya’ sa iba’t ibang bansa (Scandinavia, Hapon, Poland) noong ika-19 at maagang ika-20 na mga siglo; at kung may mga hibla mang tumatagos sa mga batay-sa-pook na mga tradisyong ipapakita, ito ay mga sekondaryong penomenon at nangingibabaw pa rin ang ‘hiwalay’ na mga tradisyon.

(5) Paglulundag-lundag ng mga adyenda: ikukwento dito kung paano ang tinatawag nating ‘antropolohiya’ ay hindi isang organikong daloy ng mga kaisipan kundi isang string ng mga magkakaibang adyenda ng pananaliksik: mula pananaliksik sa power at governmentality, differance at rhizomes, human security at climate change, at iba pang mga adyenda sa mga ugnayan ng mga tao at bagay, depende sa uso o ‘pangangailangan ng sitwasyon’.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>