Classifying Theories 1
Ang table sa itaas ay inendorso ni Alan Barnard (2004) bilang isang paraan sa pagklasipika ng mga teorya ng antropolohiya. Mapapansing ginamit pa rin dito ang nakasanayang mga label tulad ng ‘Marxismo’, ‘feminismo’, ‘istrukturalismo’, at iba pa (na batay sa tila natural—label na kadalasang ginagamit na rin ng mga tagasunod dito sa kanilang sarili—na pagpapangkat). Ngunit may dalawang bagong argumento dito si Barnard.
Una, ang meta-klasipikasyon. Ang dinagdag ni Barnard ay ang pag-organisa sa mga species ng mga label na ito sa lebel ng (pwedeng tawaging) genus, isang meta-klasipikasyon sa nakagawiang mga grupo. Meron siyang nakikitang tatlong malalaking pangkat ng mga teorya: (1) Diyakronikong mga teorya: mga teorya na ang diin ay ang tanong tungkol sa kaayusan ng mga lipunan at kultura sa pagdaan ng panahon (halimbawa dito ang popular na Marxistang suksesyon ng mga ‘panahon’ ayon sa mode of production: ‘Pang-aalipin’, ‘Pyudalismo’, ‘Kapitalismo’); (2) Sinkronikong mga teorya: mga teorya na ang diing-tanong ay kung ano ang panloob na kaayusan at dinamiks (kaya: balangkas at mga galaw) ng mga lipunan at kultura; (3) Interaktibong mga teorya: ang diin dito ay ang pagsaliksik sa dinamikong galaw ng mga salik o aspeto ng isang ‘kabuuan’ (‘sistema’ o ‘network’) na pinag-aaralan.
Makikitang may pagkakahawig ang tatluhang kategorya ni Barnard sa pormulasyong paglitaw/pagpapanatili/pagbabago bilang tatlong mahahalagang tanong sa pagti-teorya (tingnan, Tala at Tanong, kapsula 74.4): (1) ang preokupasyong diyakroniko ay may diin sa tanong kung kelan lumitaw (ano ang nauna a o b?) ang isang bagay, mga tanong sa pinagmulan at sa mga sumunod na mga kaayusan; (2) ang diing sinkroniko ay patungkol sa istruktura ng isang bagay, na mahalaga sa tanong kung paano napapanatili ang isang kaayusan dala ng pagtukoy sa mga ‘halagi’ at mga bahagi ng kaayusang natukoy; (3) ang interaktibong pokus ay may preokupasyon sa mga estratihiyang ginagawa ng mga indibidwal upang gawan ng diskarte, takasan, o di kaya ay baguhin ang mga umiiral na istruktura, kaya may diin ito sa tanong kung paano sa huli nababago ang mga kaayusan dala ng mga galaw ng indibwal na mga agents. Ayon kay Barnard:
Interactive approaches have concentrated on the mechanisms through which individuals seekto gain over other individuals, or simply the ways in which individuals deWne their social situation. For example, the question might arise: ‘Are there any hidden features of matrilineal or patrilineal descent which might lead to the breakdown of groups based on such principles?’ Or, ‘What processes enable such groups to persist?’ Or, ‘How does an individual manoeuvre around the structural constraints imposed by descent groups?’
Pangalawang punto, ipinaloob ni Barnard ang meta-klasipikasyong kanyang inendorso sa balangkas ng kasaysayan: (sa kanyang obserbasyon) tila, sa malawakang pagtingin, ang tatlong ito ay may historikal na pagkakapasunod: naging dominanteng preokupasyon ng antropolohiya ang ‘diyakronikong mga teorya’, napalitan ng mga ‘sinkronikong mga teorya’ pagkatagal, at mukhang dominante sa kasalukuyan ang ‘interaktibong mga teorya’.
Interesante ang pagtinging ito, ngunit isa pa rin lamang itong impresyonistikong obserbasyon, kahit pa tanggaping ispesyalista sa pag-aaral ng kasaysayan ng antropolohiya ang nagsagawa ng obserbasyon. Maaari kasing tingnan, sa isang alternatibong pagbabasa, ang tatluhang kategoryang diyakroniko-sinkroniko-interaktibo bilang mga modalities (mode a/b/c) ng bawat teorya: halimbawa, maaaring bigyang-diin ang mode a o b o c sa Marxistang teorya, at empirikal na usapin kung ano ang binigyang-diing mode ng isang Marxista sa isang partikular na pook at panahon. Gayumpaman, maaaring may punto pa rin si Barnard kung sasabihing ganito: kahit pa may taglay na tatluhang modalidad ang bawat teorya, ang naunang modalidad pa rin ang nangibabaw noong maagang panahon ng antropolohiya.
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

