Reclassification

Ano ang kaugnayan ng dalawang alternatibong klasipikasyong inendorso ni Barnard (2004: 7-12; tingnan ang naunang mga pagtalakay dito, sa Classifying Theories 1 at 2)? Ripasuhin muna natin ang kanyang mga proposal. Ang una ay may tatlong kategorya: (a) diyakroniko-sinkroniko-interaktibo [d-s-i]; ang pangalawa ay may dalawang kategorya: (b) lipunan at kultura [l-k]. Ano ang batayang mga konsepto sa dalawang klasipikasyon upang palitawan ang mga taglay nilang kategorya? Sa d-s-i, anuman ang x na pinagtutuunan ng pansin sa pag-aaral (lipunan man o kultura o iba pang obheto) ay hindi ang mahalaga: ang mahalaga ay ang freym (d/s/i) kung saan ipapaloob ang pag-aaral sa mga natukoy na x. Sa l-k naman, ang iba’t ibang x (ang sentral na obhetong pinag-aaralan) ang batayan ng pagpapalitaw ng mga kategorya.Maaaring pagsamahin ang dalawang klasipikasyon ni Barnard sa ganitong paraan: a x b, o a(b) = l+k (d+s+i). Matrix ng xy ang makikita batay sa pormulasyong Σxi (Σyi). Kaya, may anim na set ng mga teoryang-grupo: ld, ls, li, kd, ks, ki. May mga teoryang ‘lipunan’ ang pokus sa ‘diyakronikong’ modalidad (ld), may mga teoryang ‘kultura’ ang pokus sa ‘sinkronikong’ modalidad (ls), at iba pa. Ang pwede ngayong gawin ay isa-isahin ang mga teoretikal na posisyon (halimbawa, kumuha ng isang teoretisyan t) at tingnan kung ano ang kanyang sentral na obheto (l o k) at anong modalidad ng pag-aaral ang kanyang pinagtutuunang-pansin (d o s o i), upang maiklasipika ito sa tamang cell ng ating a(b) na matrix.
Ngunit, ano ngayon? May mahalagang gamit ba sa pag-unawa ng partikular na teorya ang nagawang reklasipikasyong ito? Ang makukuha natin sa ehersisyong ito ay ang paglapit sa mga teorya sa paraang itatanong mo kung (a) ano ang sentral na ‘bagay’ na pinagkakaabalahan nito, at (b) ano kanyang ang modal-frame na ginagamit sa pag-aaral ng isang tukoy na ‘bagay’. Ibig sabihin, ang sintesis na binuo dito ay hindi gaanong iba sa proposal sa Tala at Tanong [kapsula 74.4] na ang dalawang batayang anyo ng pagti-teorya ay ang (1) pagbubuo sa ‘bagay’ na pagkaabalahan/sasaliksikin, (2) pagpapaliwanag sa paglitaw/pagpapanatili/pagbabago ng bagay. Tingnan rin ang naunang diskusyon tungkol sa pagkakalapit ng pangalawang puntong ito sa tatluhang modalidad na nabingyang-diin ni Barnard: paglitaw=diyakroniko; pagpapanatili=sinkroniko; pagbabago=interaktibo.
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

