Teorya at Tradisyong Antropolohikal

Interesanteng ilustrasyon ng isang halimbawa (malamang isang dominanteng daloy) ng pagsasanga ng tradisyon ng antropolohikal na praktika-at-teorya ang makikita sa itaas, na galing sa librong History and Theory in Anthropology ni Alan Barnard (2004: 179). Ipinakita dito ang tatlong malalaking tradisyong lumitaw mula sa proyekto ni Montesquieu noong unang hati ng siglo-18. (Mababasa dito ang mahalang gawa ni Montesquieu, ang The Spirit of Laws.)

Nagsanga sa tatlong direksiyon ang tradisyong ito pagpasok ng siglo-19 at maaaring ituring na mga icons ng Euro-Amerikanong antropolohiya ang mga personaheng ito pagdating ng huling bahagi ng siglo-19: (1) Marcel Mauss (Pransya), (2) Bronislaw Malinowski, at nauna sa kanya, si WH Rivers (Inglatera), at (3) Franz Boas (Amerika). Pwedeng tingnan, samakatuwid, ang tatlong pook-tauhan—Mauss/Pransya, Malinowski/Inglatera, at Boas/Amerika—bilang mga kritikal na faktor sa formatibong mga taon ng pagpopormalisa ng disiplinang antropolohiya sa Euro-Amerikanong konteksto; sa Anglophone na subset nito (tradisyong nasa wikang Ingles), sina Malinowski at Boas ang ikonikong mga personahe na laging nababanggit bilang di-umano’y mga “ama ng antropolohiya”. Mangyari pa, iskimatiko ang presentasyong ito, at sa aktwal na kairalan, may mga pagsasalabid ng mga hibla mula sa isang linyang-tradisyon patungo sa isa pa: gayumpaman, ang iskimang nalikha ni Barnard sa itaas ay may digri ng katatagang mapapansin pa rin kahit pa sa kasalukuyang praktika ng antropolohiyang Euro-Amerikano.

Sa Pilipinas, ang maagang pagsisikap sa pananaliksik tungkol sa Pinoy folklore (El Folk-Lore Filipino, 1889) ni Isabelo delos Reyes (maganda ang pagtalakay sa kontribusyong pangkaalaman ni Isabelo delos Reyes sa akdang Brains of the Nation ni Resil Mojares), at ang sistematikong etnograpiya sa mga Manuvu (lalo pa ang magisterial na akdang Manuvu Social Organization, 1973) ni E. Arsenio Manuel, ang maituturing bilang mga panandang-bato sa paglilikhang-muli ng antropolohiya sa kontekstong Pinoy. Ang mga pag-aaral at pagsasapraktika ng antropolohiya ni Pons Bennagen ay mahalagang pagpapayabong sa nabuksang landas ni Manuel, na mailalatag rin bilang isa pang malayong sanga sa tradisyong-Boas ng Amerika (tingnan ang panimulang pagtalakay kay Bennagen sa Tala at Tanong [TT], mga kapsula 48-75; at ng koneksyong Manuel at ng mga maagang antropolohistang Amerikanong napunta sa Pilipinas, TT: kapsula 9.2.)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>