Pagtawid sa gulugod ng Mindanao

Pantadon Range Biogeographic sub-subregion Davao-Bukidnon Pantaron 1

Maaaring tawaging isang gulugod (backbone)—isang bayoheyograpikal na gulugod—ang buong Pantadon Range, o ang alon-along mga kabundukan ng Pantaron, mula hilaga (sa may bandang Cagayan-Agusan) pababa hanggang sa Bundok Apo (na mistulang tore at putong ng linyang-kabundukang ito), pababa pa hanggang Timog Cotabato-Sarangani. Ang gitnang bahagi ng gulugod na iyan ang malawak na lupaing ninuno ng mga tinatawag na ‘Ata-Manobo’ o ng mga Pantaron Manobo. Mula sa gulugod na ito dumadaloy ang daan-daang ilog: kasama kapwa ang dambuhalang (pagdating sa kapatagan ng ibaba) Rio Grande de Mindanao o ang Ilog Pulangi at ang Ilog Dabaw. Dahil sentral at malaking grupong etnolingwistiko ang pamilyang Manobo sa Kamindanawan, isang etnograpikal na gulugod rin ang Pantaron, daluyan ng napakaraming etnikong grupong maipapaloob sa matatawag na Pamilyang Manobo ng mga Wika/Kultura. Mangyari pa, pook rin ito ng mga prehistorikong tunggalian ng mga katutubong kadatuan at kaharian (sa ordinaryo-sa-ating kahulugan: katutubong sistemang pulitikal na pinamumunuan ng isang datu/hadi/hari (sensu Salazar) na may mga tagasunod na iba pang mga datu-sakop na pamayanan. Ilang libong (o ilang milyong) transaksyong pulitikal, kultural, at pang-ekonomiyang pagpapalitan ang maaaring naganap sa gulugod na ito mula sa panahong prehistorikal hanggang sa kasalukuyan. Upang maisalba ang gitnang Pantaron sa pangangalbong-troso at panghuhukay-mina ng iilang makapangyarihang pamilya at mga kompanya na naakit sa mayamang lupaing ito (at, sa mabagsik na lohika ng kasalukuyang kaayusan, lahat may mga basbas ng namamayaning estado ng bansa), hindi matatawaran ang sakripisyo at hirap ng mga Manobong Pantaron. Gayumpaman, sa matalas na lohika na rin ng matatag na paninindigan, marami na rin silang naipagwaging tagumpay: na lahat hinuhugpong ng katotohanang nariyan pa rin ang makapal na gubat ng gitnang Pantaron upang patuloy na mapakinabangan kahit ng mga taga-lungsod at siyudad sa mga paanan nito.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>