Basyong-Kamay
Magkaibang-uri ng pulitika ng basyong kamay: magkaibang gawain dala ng pang-unawa na ang isa ay umiiral sa isang kalagayan (ontolohiya) ng radikal na kawalan, ang makikita dito pa rin sa (kakaibang-uri ng) pelikulang Nouvelle Vague (1990) ni Godard.
Ang basyong-kamay ng elit ay mapapansin sa kanyang obsesyunal na pagtatanong kung ‘ano na ngayon ang dapat ko (pang) gawin?’ sa gitna ng nakapalibot na karangyaan. Sa Nouvelle Vague, makikita ang tatlong magkakaibang segment na laging binubuksan ng tanong, ‘ano ang gagawin ko?’ (what will I do?), at lagi ring sinasagot ng tila-mapangutyang mga linya:
‘Ano ang gagawin ko?’ ‘Hangaan ang Kalikasan!’ (Admire Nature.)
‘Ano ang gagawin ko?’ ‘Hangaan ang Arkitektura!’ (Admire Architecture.)
‘Ano ang gagawin ko?’ ‘Hangaan ang Muwebles!’ (Admire Furniture.)
Para bang hindi talaga naipapalabas ang radikal na potensya ng kawalan dahil balot pa rin ang isa ng mga dambuhalang kasangkapan—oo, kasali ang ‘kalikasan’ at tahanan bilang muwebles. Kaya ang tanging gawain ng kawalan dito ay ang tumunganga-humanga sa di-matarok na yaman ng kung-anong-naririyang-x.

Sa kabilang-banda, ipinakita ng pelikula ang mapanglikhang-kilos ng basyong-kamay ng karaniwang-tao (na nagkaroon ng mulat na pang-unawa-sa-sarili bilang isang uri ng kawalan).
Dalawang paradigmatikong gawain/kilos ang lilitaw dito: (a) ang radikal na ‘pagbubura ng mga salita/pangalan sa mundo’ (cf. ‘titik-sa-balat’), kaya’t mangyari pa, ang pagkatuto ring pangalanan itong muli, at (b) pagpuputol ng mga patay/tuyong sanga ng inaalagaang hardin.

Ganito ang enigmatikong hiling ng hardinero sa Nouvelle Vague:
Tumahimik! Hayaang mawalan ng pangalan ang daigdig sa isang saglit. Hayaang pakinggan ng mga bagay ang kanila mismong sarili, sa katahimikan, sa sarili nilang panahon at sa sarili nilang paraan.
At ang kanyang pagmumuni sa paghahardin at ang kinakailangang ‘pag-galaw sa disenyo at ayos ng mga kulay’ nito pana-panahon:
Ang isang hardin ay gawaing hindi matapos-tapos, katulad ng pagsusulat ng isang akda. Kailangang laging galawin, ayusing-muli, sa kanyang disenyo, kulay, na para bang minumungkahi nito mismo ang sariling mga pagwawasto. Ngunit kung pababayaan mo ito…
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

