Primordiyal na Tagpas

Makikita ng isang magbibigay-panahon sa tinatawag na sexuation formula na masinop at siksik ang pormala-iskimang ito ni Lacan. Madalas gamitin ito ni Zizek upang ipaliwanag ang ilang Hegelyanong mga punto. (Maraming istilo, bersiyon, at gamit ang Lacanistang pormulang ito. Tingnan, halimbawa, ang isang palihis na gamit dito sa sexuation formula.)  

Gagawan natin ngayon ng pisikal na deskripsiyon ang mga elementong makikita sa kahon at isa-isahin ang laman ng apat na kwadro. (May mga letra at numerong nasa kulay-abo: gagamitin ko ito upang matukoy ang ilang elemento ng bawat quadrant ng kahon.) Simpleng deskripsiyon muna ang mas bigyang-diin natin ngayon; sa ibang panahon na natin palaliman ang mga pilosopikal na linyang sinasaad ng napaka-siksik na pormulang ito.

Pambungad. Hindi isang tipikal na pormulang matematikal ang makikita dito. Tinatawag ni Lacan na matheme ang ganitong isitilo ng pagpo-pormalisa: isang uri ng sabay abstraksyong lohikal at iskimatisasyon—o kompresyon—ng malawak at siksik na mga puntong pilosopikal. Sabay rin itong eksposisyon sa konsepto ng kontradiksiyon (itaas na bahagi ng kahon) at iskimatikong naratibo tungkol sa dinamiks ng kontradiksiyon o negasyon sa mga umiiral na bagay (ibabang bahagi ng kahon).

Patuloy tayo! Una, maging pamilyar muna sa ilang pantukoy:

(1)  (ang universal quantifier: kaya ∀x = ‘lahat ng x’);

(2)  (ang existential quantifier: kaya ∃x = ‘may isang x’);

(3) Φ (ang Griyegong letrang phi, na, sa gamit ni Lacan, ay tumatayo sa katagang phallus, bilang tanda/signifier kapwa para sa pagkapon o kastrasyon/castration at pagnanasa/desire—tinitingnan kasing may dayalektikal na kaugnayan ang sekswal na pagbabawal at ang paglitaw ng pagnanasa: ang magkabilaang bawal/nasa, kung gayon, ang sinisimbolo ng phi o Φ; mas tumpak, ang function phi/Φx ay tumutukoy sa ‘batas ng kastrasyon’/law of castration); tumatayo rin ito sa mga Dambuhalang bagay, lalo pa sa loob ng naratibo ng ibabang bahagi ng kahon (mas maipapaliwanag ito sa pangatlong bahagi nitong serye);

(4) at ang linya/bar sa taas ng anumang simbolo (katulad ng simbolong <˜>), na tumatayo sa ideya ng negasyon, bilang hindi/not (kaya, ang ˜∀x = ‘hindi lahat ng x’).

Dapat makabisado ang ilang Lacanistang bokabolaryo. Pangalawa, may mga letra/salita namang napatungan ng sakyod/slash o parang nahiwa o natagpas: tatlo ito, ang nasakyod/nahiwa/natagpas na mga simbolong (1) (Signifier o ‘Tanda’), (2) (Auter/Other o ’ang Iba’), at (3) La o ‘Ang’ (pambabaeng ‘ang’ sa wikang Pranses ni Lacan) na maaaring tumayo sa anumang matinding Bagay kaya naka-kapital ang unang titik (halimbawa, hindi lang kung ano-anong ‘aso’ kundi ‘Ang Aso’, ‘ang pinaka-totoong Aso’, kung meron mang ganitong kataga): ang sakyod ay tumatayo sa pagtagpas o pagkitil o kanselasyon ng entidad na tinataman nito.

Kaya may ganitong mga bokabolaryong makikita:

(1) Nasakyod-na-S (tingnan ang kahon sa itaas: quadrant 3, letrang B) = (a) ang nakanselang lambat/network ng mga tanda: sumasalungguhit sa limitasyon nito: hindi maaaring maging buong-buo ang konstelasyon ng mga tanda o simbolo, may tagpas ito, may mga puwang, may mga ( ) na hindi kayang maisalin o isawika sa loob ng sistema ng mga tanda o pahiwatig; at dahil sa bukas na puwang na iyan, nagpapahiwatig rin ang nasakyod-na-S sa, (b) ang entidad na kumikilos o gumaganap (subject); kaya parang sinasabing ganito: naroroon gumagalaw ang ‘kumikilos-na-bagay’/subject sa mga patlang at giwang nitong masalimuot na konstelasyon ng mga tanda/simbolo.

(2) S (nasakyod-na-A) o Tanda ng nasakyod-na-A (tingnan sa itaas na kahon ang quadrant 4, letrang b) = ang tanda ng ‘nakanselang Iba’ (di-buong-ayos na maisalin bilang ideya: hindi lubusang maunawaan; ang laging nakaka-intriga/nakakalitong ‘Iba’) =  ibig sabihin, may dalawang hakbang dito: (a) pagkansela/pagtagpas sa ‘Iba’, at (b) paglikha ng tanda upang tumayo sa halip o kapalit ng nakanselang ‘Iba’.

(3) Nasakyod-na-Ang = ang matinding Katotohanan ng Buhay (o ang katotohanan ng anumang bagay na matitindi, halimbawa: Ang Kasaysayan, Ang Kalikasan, Ang Buhay) ay (sa masayang kataga ni Derrida: ‘tapos at laging’/always already) tinatabas ng Tagpas: na ang nasa pinaka-buod nito ay ang matinding sitwasyong-untul: na sa ibang salita, ang fraseng ‘ang Katotohanang Natagpas’ ay eksaktong kapantay ng fraseng ‘ang (nakakapangilabot na) Tagpas ( = ang absolutong Sitwasyong-Untul) ay ang mismong Katotohanan’ (ng lahat ng bagay). Dito nakatuntong ang Lacanistang konsepto ng Real at ng epigramatikong linyang The Woman does not exist, at ilang bersiyon nito: History does not exist (Badiou), Nature does not exist (Zizek).

Dagdag: may isang titik—ang tanging simbolo, sa limang entidad ng mga ibabang kwadro, na walang tagpas—ang a (maliit na auter/other o ‘iba’, minsan, tinatawag na ‘maliit na bagay a‘/objet petit a). Bakit walang tagpas ito? Hindi na kailangan: ang a ay tipak—ang naiwan/remainder—ng primordiyal na kilabot ng Tagpas (na nabanggit na sa itaas at babanggiting-muli sa ibaba). May malaking papel ang mala-tungaw-sa-liit na bagay na ito sa dinamiks ng Tagpas, ngunit ipapabukas na natin ang diskusyon nito.

Ang primordiyal na Kilabot at ang Master-Naratibo ni Lacan. Gagawa tayo dito ng isang eksepsyon sa naunang nasabi na purong pisikal na deskripsyon lang muna ang ating gagawin at ipapabukas ang mga pilosopikal na paliwanag.

Narating natin ngayon dito sa ‘nasakyod-na-Ang’ ang pinakabuod at umpisa ng ontolohiya at Haring-Naratibo (masasabing Genesis) ni Lacan. Angkop na masipi dito kaagad ang isang napakamahalagang tanong ni Zizek bilang ilang matalas na Lacanista (mula sa kanyang The Fragile Absolute):

[W]hat comes first, the signifier or some deadlock in the Real? Sometimes, Lacan presents the traumatic colonization of the live body by the parasitic symbol [sic] Order as the primordial fact: it is the intervention of the Symbolic that derails, throws out of joint, the natural organism in its balanced circuit, transforming natural instincts into a monstrous drive that can never be fully satisfied, since it is condemned to an eternal ‘undead’ returning to its path, persisting forever in an obscene immortality. At other times, in a more speculative-mythical mode, he is searching for some kind of natural excess or imbalance, a malfunctioning, monstrous derailment, and then he conceives the symbolic Order as a secondary in(ter)vention destined to ‘gentrify’ this monstrous excess, to resolve its deadlock. One is tempted to claim that it is here, between these two versions, that the line runs which separates materialism from idealism: the primacy of the symbolic Order is clearly idealist; it is ultimately a new version of Divine intervention in the natural order; while the second version—the emergence of the symbolic Order as the answer to some monstrous excess in the Real—is the only proper materialist solution.

Itong primordiyal na kalagayan ng ‘nakakapanghilakbot na kalabisan sa loob ng Katotohanan’ (monstrous excess in the Real)—na mapapaamo kahit papano sa paglitaw ng Simbolikong Kaayusan (ang ‘S‘: katulad ng wika, na magbibigay-daan sa kuwento, naratibo, at mga kathang-isip), kahit pa magpapalitaw ring muli itong huli ng iba na namang tipo ng paglinsad (ang ‘nasakyod-na-S‘), pagka-diskaril at pangingilabot (pangalawang bersyon ng pagtagpas, kung gayon, ang magaganap)—ang primordiyal na kilabot na ito sa pusod ng Buhay, ang isasatitik ng pormula ni Lacan sa isang di-masaya (nakakaasiwa, pangit, ngunit kung iisipin, angkop na rin sa konseptong tinutukoy) na katagang, ‘nasakyod-na-Ang’.

Ilang katangiang dapat mapansin. At panghuli, dapat makita ang apat na mahahalagang katangiang ito na binibigyang-diin dito sa Lacanistang kahon:

(1) Magkaiba ang nasa itaas at nasa ibabang mga kwadro (tingnan ang dalawang kwadro-itaas: 1/2 at dalawang kwadro-ibaba: 3/4). Maaaring ikumpara ang (1) at (2) ng kwadro-itaas sa ‘dalawang magkataliwas na pananaw-pandaigdig’ (ang dayalektikal at di-dayalektikal na pananaw, na minsan nabubulgarisa—lubusang naaabuso—bilang simplistikong ‘materyalismo’ kontra ‘ideyalismo’ na pananaw) na napopularisa ni Mao. Isipin sila bilang mga kwadro 1 at 2 ng magkaibang pormulasyon sa lohika ng negasyon o kontradiksyon. Ang (3) at (4) naman ng kwadro-ibaba ay maaaring ituring bilang galaw o dinamiks ng mga bagay dala nitong magkaibang lohika na natukoy sa kwadro-itaas.

(2) Napakatalas na negasyon o kontradiksyon ang ipinapakita sa pormula (sa kwadro-itaas):

(a) kung paghambingin ang kwadro 1 at 2, makikita kaagad (kahit sa paimbabaw na pagtingin muna ngayon) na ang pinaka-simpleng laman nitong dalawang kwadro ay nagsasaad nito: (kuwadro-1) ‘A!’ at (kuwadro-2) ‘Hindi A!’: pansining ang II at IV ay identikal, kaya ang tanging magkaiba ay ang I at III, at ang pagkakaiba nila ay ito: dito sa III, ipinaloob sa bar ang lahat ng simbolong makikita sa I: matalas ang kontradiksiyon, kung gayon, ang sinasaad ng dalawang kwadro;

(b) sa loob naman ng bawat kwadro, mapapansin ang kontradiksyon ng magkapares na linya (ng A at B, at ng C at D): pansinin ang A/B ng II at C/D ng IV, pareho silang nagpapahiwatig ng kontradiksyon dahil sa bar sa isa sa identikal na mga simbolo. Kompleto ang kontradiksyon, sa loob at labas ng kwadro.

(3) Antinomya at hindi basta kontraryo. Palaliman natin ng kaunti ang nasabi sa (2b) sa itaas tungkol sa kontradiksyon sa loob ng kwadro: bilang pagkikinis-expresyon ni Zizek, binigyang-diin niya (sa kanyang Tarrying with the Negative, chapter 2/Cogito and the Sexual Difference) na nasa pormang ‘antinomya’/antinomy (mas problematikong taliwasan) at hindi basta ‘kontraryo’ (simpleng baliktaran ng posisyon, katulad ng ‘ito!’/’hindi ito!’) ang banggang posisyon ng buong linya ng A [I at II] kontra B [I at II] (kwadro 1) at C [III at IV] kontra D [III at IV] (kwadro 2): kung simpleng ‘kontraryo’ ang naisaad, ang dapat na kontraryo ng A (∀x, Φx: ‘lahat ng x…’) ay (˜∀x, Φx: ‘hindi lahat ng x…’).

(4) Matalas na obserbasyon pa rin mula kay Zizek (nasa libro pa ring Tarrying), bilang pagpapalalim ng (2a) sa itaas: kung simpleng ‘kontraryo’ lang ng pinagtabing posisyon ang nais ibigay ng kwadro 1 at 2, ang dapat na set ng mga linya ay: (kuwadro 1) A at D (basahin ang buong linya: makikita na equivalent ang dalawang linyang ito), at (kwadro 2) C at B (itong dalawa na naman ang equivalent sa ordinaryong lohika). Ngunit ang ganitong sentido-kumong lohika nga ang nilinsad/binali/dinislokeyt ng pormulasyon ni Lacan upang ipormalisa ang ganitong punto (sa masinop na pagkasaad ni Zizek):

[kwadro 1] the universal function (A) implies a constitutive exception (B);
[kwadro 2] the lack of exception to the function F (D) prevents its universal span (C).

Ito ang una sa tatlong artikulong umiikot sa Lacanistang pormula: (1) Primordiyal na Tagpas, (2) Lohika ng di-buo, (3) Dinamiks ng Tagpas.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>