Bagang

Ganito ang mukha ng hilagang bahagi ng Talaingod Manobong mundo (tanu/lupain, daigdig), isang madaling-araw sa isang tuktok ng bundok-Bagang, isa sa maraming sentro ng mga baloy (bahay; sungobaloy, kabahayan) ng mga tagaritong katutubo.
Naituturo mula dito ng ilang nakausap kong Manobo ang ilan pang kabahayan-ingod (‘bayan’) na nakakalat sa iba’t ibang direksiyon palibot sa iyong kinatatayuan. Lahat ng napapangalanang ugpaan (‘tirahan’) sa ibayo-ngunit-naituturong mga pook sa tabi ng ilog Talomo ay lahat network ng ugnayang kamag-anakan at ka-asawahan.
Hindi mahirap ilarawang-diwa ang lawak ng domeyn: halus may direktang biswalisasyon ng magkakaugnay na mga bayan—’diyan sa kabilang bundok, anak, nakatira ang ilan mo pang anggam at inayon (mga tiyohin at tiyahin); doon naman sa likod niyang tuktok ang mga talari (kapatid) ng apo (lolo/lola) ng iyong amoy (ama)’.
May mga piling-lokasyon sa kabundukan-tanu ng mga Manobo kung saan, mula dito, madaling tingnan (at isa-diwa) ang praktikal na kalibutan (ang buong libot, daigdig) ng kanilang kinauugatang tanu. Malamang na pumapaloob ang katangiang ito sa kategorya ng ‘ganda’ ng isang pook-ugpaan ng mga Matig-Talomo.
Ilan sa mga tuktok-lugar na ito ay pinagtayuan nila ng mga panubaran (bahay-sambahan), ‘upang una itong matamaan ng sinag ng araw’. Noong unang panahon, ginagawa dito sa Bagang ang ilang malalaking pagtitipon ng mga baylan ng iba’t ibang komunidad (ugpaan-ingod) ng Ilog Talomo at iba pang kalapit na lugar.
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

