Otaw

Iilang bagay-bagay ang padala sa amin kapwa ng Pantaron at ni Buburi (kaugnay na mga posts: Buburi, Bagang, Bukidnon), pauwi mula sa isang mahabang serye ng lakaran. Nasa itaas ang ilan sa mga ito: mga gamot-ugat, mga kakaibang bato, at (sa kanang-itaas), mala-anting-anting na nakabitin sa baliog (kuwentas) ni Buburi, ukit-tao (otaw) galing sa dalawang piling puno. Tinganggal itong huli ni Buburi sa kanyang multi-obhetong kuwentas at binigay sa amin noong huli naming araw sa kanyang lugar. ‘Madali akong makakagawa ng ganyan. May mga nakita akong punong mapagkukunan ko ng ganyang mga kahoy doon sa katabing baryo. Baka makatulong din ‘yan sa inyo.’ Kaya alingawngaw ng kanyang kantang Tolalang at obhetong-otaw ang dalawang ‘bagay’ na dala-dala namin pababa mula sa kanyang ingod.
Sa aming ala-ala, para kaming nanggaling sa isang kakaibang ‘lupain ng mga katutubong makata’. Pambihira na ang makakakita ng isang lugar ngayon na may nakatirang katutubong may alam ng isang buong epikong-olageng. Dalawa ang nakasalamuha namin sa napakaliit na sityong ito sa tabi ng ‘Pantadon’ (pantad, ‘mabatong pampang sa gilid ng ilog’) at may iilan pang katulad nila sa magkabilaang bahagi nitong mahalagang ‘bayoheyograpikal na sona’ ng Pantaron Mountain Range, isang totoong bayo-kultural na rehiyon.

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can skip to the end and leave a response. Pinging is currently not allowed.

