Latest Publications

Ang Lakas na sa Berdeng Mitsa'y Tumutulak sa Bulaklak

Dylan Thomas
Ang Lakas na sa Berdeng Mitsa’y Tumutulak sa Bulaklak
[Salin: Lamaw]

Ang lakas na sa berdeng mitsa’y tumutulak sa bulaklak
Tumutulak sa berde kong gulang; na nagpapasabog sa mga ugat ng puno
Ang sa aki’y tutupok.
At umid akong sabihan ang nabaluktot na rosas
Ang aking kabataa’y binaliko ng parehong mayelong lagnat.

Ang lakas na tumutulak sa tubig padaan sa mga bato
Tumutulak sa pula kong dugo; na tumutuyo sa lumalagaslas na mga sapa
Ang sa aki’y huhulmang pagkit.
At umid akong bulungan ang aking kaugatan
Papano sa bukal ng bundok sumususo ang parehong bibig.

Ang kamay na umiinog sa tubig ng lawa
Humahalo ng kumunoy; na tumatali sa umiihip na hangin
Wawasak sa aking layag.
At umid akong sabihan ang taong bibitayin
Papano sa aking putik ginawa ang apog ng mambibigti.

Ang labi ng panaho’y naglilinta sa bukal;
Pag-ibig ay papatak at mag-iipon, ngunit ang pumatak na dugo
Ang hihilom sa kanyang mga sugat.
At umid akong sabihan ang hangin ng panahon
Papano ang sandali ay kumudlit ng langit palibot sa mga bituin.

At umid akong sabihan ang puntod ng mangingibig
Papano sa aking kumot gumagapang ang parehong balikukong uod.

1934

Etolohiya: Titig-Makak

Salmo-Niknik

Ted Hughes
Salmo-Niknik
[Salin: Lamaw]

‘The Gnat is of more ancient lineage than man.’ [Mas malalim ang tarsila ng Niknik kaysa tao.] Proverb.

Nang ang mga niknik ay sumasayaw sa dapit-hapon
Sumusulat-sulat sa hangin nanununtok sa wala,
Nag-aagawan ng kanilang loko-lokong diksiyunaryo,
Binabalasa ang kanilang piping Kabala,
Sa ilalim ng aninong dahon

Dahon tanging mga dahon
Ang sa pagitan nila at ng malalawak na saksak ng araw
Dahong sumasangga sa maalikabok na suntok ng lumulubog na araw
Tinatakpan ang kanilang mahihinang mata at makulimlim na ugali

Sumasayaw
Sumasayaw
Nagsusulat sa hangin, binubura ang lahat na sinusulat
Hinahaltak ng buhol-buhol ang mga letra,
Yoyo mga yoyo ng kahit sino

Dambuhalang mga magnet na nag-aaway sa sentro

Hindi nagsusulat at hindi nag-aaway, kumakanta
Na ang pag-iikot-ikot nitong Uniberso ay walang-halaga
Na sila’y hindi takot sa araw
Na ang araw natin ay napakalapit
Pinasasabog nito ang kanilang kanta, tungkol sa lahat ng mga araw
Na sila ang sarili nilang araw
Sariling pag-aapaw
Nakakawala sa kalawakan ng wala
Ang liyab ay pinapalabo ng kanilang mga pakpak
Kumakanta
Kumakanta
Na sila ang mga pako
Sa sumasayaw na kamay at paa ng diyos-niknik
Na naririnig nila ang hanging naghihirap
Sa mga damuhan
At naghihirap sa gabi ang bayan
At ang mga lungsod, nagkakampo sa tabi ng sementeryo,
Nagdurusa hanggang sa ganap na kadiliman

Ang hangin ay yumuyukbo na may pusa-bitukang hiyaw
Ang mga daan at paliparan
Nagsasayawan sa hangin
Sa sayaw ng hangin, sa sayaw-kamatayan,
Tumatalon doon sa mga latian at kahuyan
At mga siyudad na tulad ng mga taeng-bakang nagsisiksikan tungong alikabok

Ngunit hindi ang mga niknik, ang kanilang kasiglaha’y
Nakalampas na sa bungad
At isinabit nila ito sa ibabaw ng mga kuko ng damuhan
Sumasayaw
Sumasayaw
Sa mga aninong guwantes ng punong sikamor
Hindi mababagong sayaw
Sayaw na nag-aalay ng katawan upang tupukin

At ang kanilang embalsamadong mukha ay hindi na magagamit

Ang kanilang maliliit, balbasing mukha
Na naghahabi, lumulubog-lumilitaw sa wala
Inuuga sa hangin, inuuga, inuuga
At kanilang paa’y lumalawit tulad ng paa ng biktima

O munting mga Hasid
Sinasakyan hanggang kamatayan ng inyong mga katawan
Sumasakay sa inyong katawan hanggang kamatayan
Kayo ang mga anghel ng nag-iisang langit!
At ang Diyos ay ang Bathalang Niknik!
Hari kayo ng mga uniberso!
Kamay ko’y lumilipad sa hangin, kalokohan lang
Dila ko’y bumibitin sa mga dahon
Isip ko’y gumagapang doon sa mga siwang

Ang sayaw mo

Ang sayaw mo

Tinatangay ang dilat kong bungo pagulong sa ibayong mundo.

1967

Paglilinis/Pag-alaga Sa Katawan/Sarili/Kapwa

Taglagas

Rainer Maria Rilke
Taglagas
[Salin: Lamaw]

Poon: panahon na. Dumaan na ang dambuhalang tag-init
Takpan ng inyong anino ang kamay ng mga orasan,
at hayaang umihip ang hangin sa parang.

Utusang humitik ang mga bunga sa puno at baging;
biyayaan sila ng ilan pang kalinga’t sinag,
sa pagiging ganap ay sigasigin sila, at pigain
ang huling tamis sa matapang na alak.

Sino man ang walang tirahan ngayon, kaylan ma’y mananatiling wala.
Sino man ang nag-iisa mananatiling nag-iisa,
uupo, magbabasa, magsusulat ng mahahabang sulat sa magdamag,
at gagala sa mga kanto, pabalik-balik,
tuliro, habang dumadagok ang mga tuyong dahon.

[Batay sa saling Ingles ni Stephen Mitchell mula sa Aleman na orihinal.]

Kailangan Ring Mamahinga Ng Makak