Oda sa mga bagay
Pablo Neruda
1954, Odas Elementales
(Salin, Lamaw/Tungaw 15 Abril 2011)
Mahal ko na parang baliw itong mga bagay,
isang loko-lokong pagkahumaling.
Gusto ko ang mga plais,
mga gunting,
sinasamba
itong mga tasa,
mga singsing,
at mga mangkok,
maliban pa, siyempre,
sa mga sumbrero.

Mahal ko
lahat ng mga bagay
hindi lamang
ang mga matatayog,
kasali na
ang
mga di-lubos mali-
rip
sa liit,
ang mga didal,
mga tari,
mga plato,
at mga plorera.

Ay, Diyos ko,
napakaganda
nitong planeta,
puno
ng mga pipa
na kumakaway
hawak-hawak ng kamay
sa sirko ng mga usok-tabako,
at mga susi,
at mga saleros,
lahat-lahat,
sa madaling salita,
na mga ginawa
ng kamay ng tao, anumang bagay:
makukurbang mga sapatos,
himaymay ng tela,
bawat napapalitaw-muling
ginto
pwera dugo,
mga anteyohos,
mga pako,
mga walis,
mga relos, mga kompas,
mga sinsilyo, at ang mga malalambot
o-anong-lambot na mga upuan.
Ay kayraming
mga bagay
dalisay na hinabi
at pinanday
ng tao:
ang dagmay,
tabla,
salamin,
lubid,
lamesang
kahanga-hanga,
mga sasakyan, at mga hagdan.
Mahal ko
lahat
lahat ng bagay,
hindi dahil sila’y
mapusok
o mahalimuyak,
ngunit dahil,
aywan ko ba,
dahil
ang karagatang ito’y sa iyo,
at sa akin:
mga butones,
mga gulong,
mga maliliit
na kayamanang
nabaon na sa limot,
mga abanikong
sinulsihan
ng pag-ibig
ng kanyang mga bulaklak,
mga kopa, mga kutsilyo,
mga gunting,
lahat
na taglay sa bawat hulma
ang mga bakas
ng kung kaninong mga daliri,
ng isang malayong kamay
na nilamon
ng bangin ng pagkalimot.
Humihinto ako sa madadaanang mga bahay,
sa mga lansangan,
mga elebeytor,
hinahaplos ang mga bagay,
kinikilala ang mga gamit
na sekreto kong kinahuhumalingan:
ito, sapagkat ito’y kumukuliling,
iyan, dahil
iya’y malambot
kasinlambot ng balakang ng isang babae,
iyong isa dahil sa kanyang kulay ng malalalim na tubig,
at iyon pa dahil kung hipuin mo’y parang pelus.
Ay, ang mga di-mabuburang
ilog
ng mga bagay,
hindi ko masasabing
itong isda
lamang
ang aking gusto,
o itong mga halaman ng gubat at mga hayop ng parang,
na ang minamahal ko
ay ito lang
mga bagay na tumatalon, umaakyat, kumakayod, nananaghoy.
Hindi ‘yan totoo:
maraming bagay
ang magsasabi sa akin tungkol sa napakaraming bagay.
Hindi lamang nila ako hinahawakan,
o sila’y hinahawakan ko,
sila’y kasama,
dugtong-pusod,
ng aking buhay
at naninirahan sila sa akin
at ako’y nagpapatuloy dahil sa kanila
at ikinabubuhay nila kalahati ng aking buhay
at kalahati rin ang ikamamatay.
[dagmay, hinabing tela ng mga Mandaya]
(Narito ang magkakatabing orihinal na wikang Espanyol ng tula, Pinoy, at saling-Ingles. Ang dalawang ilustrasyon sa itaas ay mga gawa ni Ferris Cook, na makikita sa librong Pablo Neruda, Odes to Common Things.)














