Latest Publications
Skinks
Dalawang klaseng mala-butiking reptilya (kakaibang mga butiking-lupa, malamang maikakategorya bilang mga skinks) ang nakita namin ni Tungaw sa aming gilid-bahay noong nakaraang taon. Pansining kahilira ng kanyang katawan ang linya nitong huli; habang pa-hiwang-katawan naman ang mga linya ng nauna. (Balikan: Imbentaryo)
Mt. Apo at Datu Birang
Naging isang icon ng kilusang Lumad sa Mindanaw si Datu Tomas Ito (o si Datu Birang), lalong-lalo na sa kampanya kontra geothermal power plant project sa Mt. Apo noong pinakahuling bahagi ng dekada-80. Si Tomas Ito ang naging ‘mukha ng kampanya upang depensahan ang Bundok Apo’ na mas tumingkad pagpasok ng dekada-90. Pumanaw si Datu Tomas sa edad na 84 noong 10 ng Pebrero nitong taon. (Tingnan: photo-essay ng Davao Today sa buhay ni Tiyo Tomas)
Maalala ko si Tiyo Tomas noong bumisita kami ni Tungaw noong 2008 sa kanyang bahay sa Pogpog (dahil mga kalahating oras lang ang layo nito mula sa Todaya, Sta. Cruz, kung saan kami nag-fildwork). Tuwang-tuwa siya sa aming pagbisita dahil may malaking laban noon si Manny Pacquiao at gusto niyang may makasama sa pagbaba sa bayan ng Kapatagan upang makipanood ng TV coverage ng Pacquiao-Dela Hoya Fight. 82 taong gulang na noon si Tiyo Tomas, makalimutin na, may mga karamdaman sa katawan dala ng katandaan, ngunit maliksi siya noong araw na iyon, mula pagbaba namin sa Pogpog hanggang sa pagkapanalo ni Pacquaio. Nagawa pa niyang mag-lektyur sa amin ni Tungaw sa may tabing-daan tungkol sa ilang isyung panlipunan matapos ang laban.













